Tungo sa Maritimong Oryentasyon
Cynthia Neri Zayas
 
     
 

Nakatira ang maraming Pilipino sa baybaying lugar. Ang arkipelagong kalikasan ng ating bansa ay nagpapakita ng pangangailangang pagtuunan ng pansin ang kabuhayang may kinalaman sa karagatan. Ang artikulong ito ay isang pagtingin sa kultura at komunidad mula sa maritimong kamalayan. Lilinangin dito ang isang pananaw na angkop sa pang-unawa ng lipunan at kulturang Pilipino sa konteksto ng ating arkipelagong bansa.

Makikita ang maritimong kultura ng Pilipinas sa mga ebidensiya mula sa pag-aaral sa arkilohiya, kasaysayan, etnograpiya at lingguistika. Ayon sa kasaysayan, umunlad ang baybaying komunidad bilang estado dahil sa komersiyo mula sa mga karatig isla at bayan. Ayon sa kontemporaryong etnograpiya, sa loob ng mahabang yugto sa buhay ng mga mandaragat, naglalayag sila palagi dahil sa paghahanap ng angkop na pangisdaan sa tamang panahon. Mula sa perspektiba ng historical linguistics ang kahulugan ng "isda" ay isda, ulam o karne. Ang kasalukuyang heograpiya ng mga salitang "isda" ay nakatuon sa pangkabuhayang malapit sa dagat.

Upang maipakita ang maritimong oryentasyon, apat na katangian ang ilalahad. Una, umiikot sa paglalayag ang daloy ng buhay sa mga maritimong populasyon sa isla ng Mindanao at Visayas. Sa Palawan, naniniwala ang sinaunang tao na ang kamatayan ay isa ring paglalakbay patungo sa kabilang daigdig na kailangang bagtasin sa pamamagitan ng sasakyang pandagat.

Ikalawa, mula sa daungan patungo sa organisadong estado ng baybaying komunidad nabuo ang sultanato. Ang karanasan ng Mindanao at Sulu sa pagbuo ng kanilang sentro ng komersiyo at politika, o port-polity, ay kaugnay ng estratihikong lokasyon nito sa daloy ng kalakalan mula sa karatig at malayong mga isla ng Timog Silangang Asya at Tsina.

Dating sentro ang port polity ng kalakal mula sa iba’t-ibang lugar. Sa katagalan, naging kontrolado ng datu ang maliit na daungang ito at unti-unting napagsama ang maraming datu upang mabuo ang sultanato. May mga sentro na naging daungan ng mga sasakyang pandagat mula sa malalapit at malalayong isla. Naging bagsakan din ng mga produkto mula sa kabundukan ang nasabing daungan. Naging mayaman at makapangyarihan ang sentro na sumakop din ng maraming populasyon.

Ikatlo, ang pambibihag o kayaw sa kontemporaryong salita, ay umabot na sa Visayas at Luzon bago pa dumating ang mga Kastila. Sa ngayon, makikita na lamang ang pangayaw sa panahunang paglalayag ng mangingisda. Sa maritimong oryentasyon ng buhay sa Visayas, walang permanenteng pagtigil sa isang isla. Ang tawag sa sarili ng mga katutubo sa Isla ng Panay ay "tumandok," mula sa salitang "tindok" o "tubo." "Pangayaw" naman ang tawag nila sa mga dayong nangingisda dahil dumarating lamang sila sa panahong kalmado ang dagat.

Ang panahunang paglalayag ng mga taga-isla ay naaayon sa pag-ihip ng hanging habagat at amihan. Nakakatulong ito sa mahalagang pagpapalitan ng kaalaman sa pangingisda at pagpapalawak ng socio-economic network sa mga isla sa Visayan Sea. May mandaragat na tumitigil sa isang lugar dahil nakita niya ang angkop na pamumuhay at kalaunan ay itinuturing na niya ang sarili bilang tumandok.

At ikaapat, makikita ang maritimong oryentasyon ng ating kultura sa pamamagitan ng pagre-construct ng salitang "isda" batay sa 18 wika ng Pilipinas. May tatlong grupo na nagbibigay ng pagpapakahulugan sa salitang isda bilang katumbas ng karne, ng ulam, at ng isda.

Ang kabuuang layunin ng Archipelagic Studies ay pukawin at gamitin ang nahihimalay na kamalayang maritimo sa buhay at kultura ng mga Pilipino.